Illegal terminal sa Lawton binuwag
MANILA, Philippines - “Winalis” ng Manila City hall at Manila Traffic District Enforcement Unit sa paligid ng Lawton sa harap ng Manila Post Office ang mga pumaparadang pampasaherong bus, jeepneys, taxicabs at pedicabs na ginagawang illegal terminal ang naturang lugar.
Ito ang nabatid mula kay Ric de Guzman, chief of staff ni Mayor Alfredo S. Lim, matapos na madiskubre na ang mga sasakyan ay iligal na nakaparada sa Lawton. Agad na inisyuhan ng ordinance violation receipts ang mga ito kasabay ng pagkumpiska sa lisensiya ng mga driver.
Lumilitaw din sa reklamo na isang dating kagawad na umano’y nagtatrabaho sa isang nagngangalang ‘Aling Ligaya’ ang nanghihingi ng pera sa mga operator kapalit ng illegal terminal sa lugar. Ang illegal collection umano ay umaabot sa P30,000 kada araw. Giit naman ng mga operators na si “Aling Ligaya” umano ay may koneksiyon sa mga pulis at ilang mga opisyal ng city hall na nagbibigay naman ng proteksiyon laban sa anumang harassment. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending