Dalagita nandukot sa simbahan
MANILA, Philippines - Hindi pinatawad ng isang 17-anyos na dalagitang mandurukot ang kabanalan ng Simbahan makaraang mambiktima ng dalawang lalaking dumadalo sa misa sa Shrine of Jesus Christ Church sa isang shopping mall sa Pasay City kamakalawa.
Nasa kustodiya ngayon ng Pasay City Police ang suspek na itinago sa pangalang Aloha ng Tondo, Maynila. Nakatakda siyang ilipat sa pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare and Development matapos masampahan ng kasong theft.
Nakilala naman ang mga biktima na sina Irvin Victor Soriano, 24, sales representative, ng Novaliches, Quezon City at Carlos Alunan, 42, negosyante, ng Marilao, Bulacan. Natangay sa mga ito ang kanilang pitaka at cellphone.
Ayon sa dalawa, katabi nila sa loob ng naturang simbahan si Aloha. Kapwa naramdaman ng dalawa na nawawala na ang kanilang pitaka at cell phone nang tumayo sila para mangumunyon.
Agad namang isinumbong ng dalawa ang dalagita sa guwardiya ng naturang mall na naging dahilan sa pagkakadakip ni Aloha. Hindi naman narekober sa posesyon ng dalagita ang kanilang mga gamit na posibleng naipasa nito sa kanyang kasabwat sa loob ng simbahan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending