Lider ng robbery gang nalambat
MANILA, Philippines - Nasakote ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office ang isa sa mga lider ng kilabot na Ampang Colangco Robbery Group kamakailan sa lalawigan ng Cavite.
Iprinisinta kahapon ni NCRPO Director Roberto Rosales ang nadakip na suspek na si Felimon Taghoy, alyas Emong. Pinaniniwalaan na isa ito sa mga lider ng naturang grupo na nagsasagawa ng panloloob sa Metro Manila.
Naaresto si Taghoy ng mga tauhan ng Regional Police Intelligence and Operations Unit dakong alas-3 ng hapon noong Pebrero 18 sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Lorna Navarro ng NCR Regional Trial Court branch 201 sa Las Piñas.
Sa rekord ng NCRPO, sangkot si Taghoy sa mga panloloob sa Landbank, West Avenue, Quezon City noong Enero 2008; Banco de Oro armored van robbery sa Parañaque City noong Hunyo 4, 2007; BDO sa San Fernando, Pampanga noong Pebrero 9, 2005; Country Rural Bank of Taguig noong Oktubre 15, 2004; BDO armored van sa SM North EDSA, Quezon City noong Oktubre 15, 2004.
Kasama rin siya sa panloloob sa Premier Bank, Las Piñas City noong Enero 20, 2004; BPI Family Bank sa Molino, Bacoor, Cavite noong Setyembre 10, 2003; Asia Trust Ever Gotesco, Commonwealth, Quezon City noong Hulyo 1, 2003; Prudential Bank, Evacom, Parañaque City noong Pebrero 12, 2003; at Asia Trust Ever Gotesco noong Hulyo 2002.
Sinabi ni Rosales na nasawata ang isang posibleng pagsalakay ng sindikato sa pagkakadakip ni Taghoy matapos aminin nito na nakikipagpulong siya sa mga natirang miyembro ng Alvin Flores Gang para sa isang malaking operasyon.
May target na umano silang ilang bangko at nagsasagawa ng recruitment sa mga guwardiya para sa operasyon.
Dahil dito, muling nanawagan si Rosales sa mga may-ari at manager ng mga bangko, malls at iba pang establisimiyento na mag-ingat laban sa posibleng pagsalakay ng mga sindikato. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending