Tigil-pasada sa Martes, pipigilan ng MMDA
MANILA, Philippines - Naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makukumbinsi nito ang transport group na huwag ituloy ang planong tigil-pasada sa Martes bilang protesta sa hinihirit na single ticketing system (STS).
Ayon kay MMDA Chairman Oscar Inocentes, pipilitin niyang himukin ang lider at miyembro ng Alliance of Concern Transport (ACTO) na huwag ituloy ang planong tigil- pasada sa Martes dahil pinaplantsa ng mga Metro Mayors na miyembro ng Metro Manila Council na ayusin ang gusot sa pinagtatalunang isyu.
Nauna nang inakusahan ni Efren De Luna, pangulo ng ACTO ang mga lokal na opisyal na ginagawa umanong gatasan ang grupo ng transportasyon sa pamamagitan ng paniningil ng napakataas na multa sa mga tsuper na nahuhuling lumalabag sa batas trapiko.
Naniniwala si De Luna na dapat alisin na sa kapangyarihan ng Local Government Units (LGUs) ang pag-iisyu ng ordinance violation receipt (OVR) dahil mas nangingibabaw ang Republic Act 7924 na lumikha sa MMDA sa 1991 Local Government Code na nagbibigay kapangyarihan sa lokal na opisyal na pangasiwaan ang trapiko at mag-isyu ng tiket sa nasasakupan nilang lugar.
Nauna rito ay pinulong ng MMDA ang iba’t ibang grupo ng transportasyon sa pangunguna ng ACTO upang kumbinsihin sila na huwag ng ituloy ang tigil-pasada subalit hindi nagkaroon ng malinaw na pag-uusap kaya’t muling itinakda ang pagpupulong sa Lunes, kasama ang kinatawan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at House Committee Chairman on Metro Manila Development.
Sinabi ni Inocentes na gagawin nila ang lahat ng paraan upang mapigilan ang napipintong welga dahil ayaw nilang maparalisa ang pampublikong transportasyon na magbubunga lamang sa pagka-stranded ng libu-libong pasahero. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending