'Hijack me', sinisilip ng MPD

MANILA, Philippines - Binubusisi ng Manila Police District kung ‘hi-jack me’ sa pinakahuling insi­dente ng pagtangay sa P2-milyong halaga ng asukal, ng limang lalaking suspek, sa Malate, Maynila bago narekober ang trailer truck sa Quezon City, kamaka­lawa ng gabi.

Sa ulat ni C/Insp. Randy Maluyo, hepe ng MPD-Anti Carnapping and Hijacking Unit (ANCAR), ipapatawag nila ang truck driver na si Dexter Fiel, 43, ng Tondo, Maynila at Edwin Gaizano, 21, helper ng Bagong Silang Caloo­can City upang magpali­wanag hinggil sa idinulog nilang reklamo ng panghi-jack sa kanilang delivery truck dakong alas-11:00 ng gabi sa kanto ng Marcelino st., at Quirino Ave., Malate, Maynila. Sinabi ni Fiel na habang minamaneho nito ang isang Fuso tractor head (RJN 489) na may body number na Acro Trans at trailer (PUN 800I) na may kargang 40 footer van na naglalaman ng 800 bags na refined sugar ay hinarang sila ng isang grupo na sakay ng kulay itim sa Toyota Sedan na hindi naplakahan.

Nagmula ang truck sa Pier 16, North Harbor patu­ngo sanang planta ng Coca-Cola, sa Sta. Rosa, Laguna. Aniya, pinababa sila ng truck at puwersa­hang isinakay sa kotse at pinayuko habang bumibi­yahe at ang truck ay kinumander ng grupo sa hindi umano nila nakitang direksiyon.

Nang ibaba sila ng mga suspek umano ay nakita nilang nasa Makati City na sila bago nagpunta sa pulisya. Gayunman, sini­silip ng MPD kung bakit hindi sumunod si Fiel sa instruksiyon ng amo niya, na makipag-convoy sa tatlong truck. Ipinagtataka rin na ang pinang­ya­rihan ng insidente ay mali­wanag at matao. (Ludy Bermudo)

Show comments