Shaina Magdayao, kinasuhan ng BIR
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City Prosecutors Office ang aktres na si Shaina Magdayao dahilan sa umanoy pagkabigo nitong iprisenta sa BIR ang kanyang accounting at revenue records noong 2007.
Sa dalawang pahinang complaint affidavit, inakusahan ng BIR si Magdayao sa pamamagitan nina Geraldine Llaguno at Oliver Correa ng BIR Legal Division na lumabag sa Tax Code dahil sa hindi nito pagpapakita sa ahensiya ng books of accounts at iba pang accounting records para sa taong 2007. Sa ilalim ng Tax Reform Act of 1997, ang sinumang lalabag dito ay magmumulta ng mula P5,000 hanggang P10,000 at pagkakulong mula 1 hanggang 2 taon.
Sinasabi ng BIR na si Magdayao na may business address sa North Susana Village Fairview, Quezon City ay pinadalhan ng tax verification notice (TVN) noong April 2009 kung saan hinihiling ng BIR sa aktres na magprisinta ng kaukulang record ng kanyang internal revenue taxes para sa taong 2007.
Ang TVN ay tinanggap ng isang Laura de Leon. Mangilang beses na umanong personal na nag-follow up kay Magdayao at marami ring ginawang pagtawag sa telepono dito pero bigo pa rin ang aktres na aksiyunan ang hinihinging dokumento ng BIR.
Noong October 2009 ay nagpadala ng subpoena ang BIR kay Magdayao para pumunta sa Legal Division at dalhin ang kanyang books of accounts at ibang accounting records pero bigong magtungo dito ang aktres kahit na siya mismo ang nakatanggap at pumirma ng subpoena ng BIR. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending