Tsinoy trader binoga, kritikal
MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Tsinoy ang nasa kritikal na kondisyon matapos na barilin sa ulo ng hindi nakikilalang salarin habang ang una ay papasakay ng kanyang kotse kasama ang isang babae sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Si Jose Chua, 25, ay inoobserbahan ngayon sa Saint Lukes Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Sinasabing gumamit ang salarin ng silencer na baril kung kaya hindi man lamang narinig ng kanyang kasamang si RK Contreras, 22 ang putok ng baril mula sa kinaroroonan nito.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may parking area ng Dulce Super club na matatagpuan sa Scout Madrina St., corner Tomas Morato Avenue ganap na alas- 4 ng madaling-araw.
Kasama ng biktima si Contreras na lumabas sa club matapos mag-inuman kung saan ginamit ng mga ito ang back door patungo sa parking area na kinalalagyan ng kanilang sasakyan na Navigator (XJS-325).
Ayon kay Contreras, nang buksan niya ang pintuan sa gawing likuran para sumakay, nagulat siya nang makita ang biktima na nakahiga sa bangketa at dali-dali niyang pinuntahan ito hanggang sa makita na may umaagos na dugo sa ulo nito kung kaya agad itong isinugod sa pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa isinasagawang pamamaril sa biktima. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending