Salvage victim, natagpuan sa Quezon City
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalake na hinihinalang panibagong biktima ng salvage ang natagpuang may tama ng bala at hampas ng matigas na bagay sa ulo at nakaposas ang mga kamay sa madilim na lugar sa lungsod Quezon kamakalawa.
Walang nakuhang anu mang pagkakakilanlan sa biktima na inilarawan lamang sa taas na 5’6, may edad na 30-35 anyos, moreno, may katabaan, nakasuot ng puting t-shirt at kulay asul na slacks, at may tattoo na question mark sa kanang kamay.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng pulisya, tatlong kalalakihan ang nakita ng isang residente na may dala at nagtapon sa nasabing biktima sa nasabing lugar kung saan sakay ito ng isang puting CRV na walang plaka
Naniniwala ang pulisya na kaya ginamitan ng posas ng mga suspect ang biktima ay upang iligaw lamang ang imbestigasyon para isiping mga pulis ang may kagagawan ng nasabing pag-salvage.
Base sa ulat, natuklasan ang bangkay ng biktima ng isang Lita Reyes sa may center island sa pagitan ng Merrynela Homes at Tierra Pura, Congressional Extension, Brgy. Culiat sa lungsod, pasado alas-12 ng madaling-araw.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy kung sino ang mga salarin. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending