Illegal recruiter nalambat
MANILA, Philippines - Isang 50-anyos na negosyante ang nakulong matapos ipadakip ng kaniyang mga ni-recruit na factory workers para sa Korea sa isang entrapment operation, sa Luneta Park, Er mita, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Manila Police District-General Assignment Section Chief C/Insp. Marcelo Reyes ang suspek na si Cerilo Llanasa Jr. alyas “Mang Jun”, residente ng 1411 Coral Street, San Andres Bukid, Maynila.
Nabatid na nagmula pa sa Nueva Ecija ang mga biktimang sina Virgilio De la Cruz, 46; Jonalyn Sumande, 31; at Erwin Manwit, 24, nang samahan sila ng isang hindi nagpakilalang kawani ng Metro Manila Development Authority sa tanggapan ng MPD-GAS para ipaaresto ang suspek na nakatangay sa kanila ng P60,000 kahit wala namang natupad sa pangako na makakapag-trabaho sila sa Korea.
Agad ikinasa ang plano at tinungo ang shrine ni Dr. Jose Rizal sa Luneta dakong alas-7:00 ng gabi kung saan nadakip ang suspek.
Nabatid na isang Atty. Nora Maramba ang nagpakilala umano sa mga biktima sa suspek at pinaasa sila na makakapagtrabaho sa Korea na may buwanang sweldo na P60,000 hanggang P70,000.
Noong Biyernes, Enero 12, nagbigay umano sila ng tig-P20,000 sa suspek sa loob ng isang fastfood restaurant sa Carriedo, Sta. Cruz, Maynila subalit hindi sila inisyuhan ng opisyal na resibo at nang hingan sila muli ng karagdagang salapi ay nagsumbong na sila sa mga awtoridad. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending