MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang isang call center agent makaraang saksakin ng kaibigan nito na isa ring call center agent sa loob ng kanilang inuupahang boarding house kamakalawa ng madaling-araw sa Pasig City.
Inoobserbahan ng mga manggagamot sa Mission Hospital ang biktimang nakilalang si Copernicus Jamito, 29, pansamantalang nanunuluyan sa De Castro Subdivision, Barangay Sta. Lucia ng naturang lungsod.
Agad namang naaresto ang suspek na si Ylvic Dollete na nahaharap na sa kasong frustrated homicide.
Sa ulat ng Pasig Police, naganap ang pananaksak dakong alas-2:00 nitong Sabado ng madaling-araw nang makarinig ng sunud-sunod na kalabog sa kuwartong tinutuluyan ng dalawa ang mga kasambahay.
Naabutan na lamang ng mga rumespondeng awtoridad ang duguang biktima na mabilis isinugod sa pagamutan habang naabutan ang suspek na nakatulala sa duguang biktima. Nabatid na nagtamo ang biktima ng 15 tama ng saksak sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nag-iinuman umano ang dalawa bago maganap ang krimen. Sa inisyal na ulat, may hinala ang mga awtoridad na maaaring may relasyon ang dalawang lalaki. (Danilo Garcia)