P.5-milyong pekeng cosmetic product nasabat
MANILA, Philippines - Nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may P500,000 halaga ng mga pekeng cosmetic products matapos na salakayin ang isang establisimento sa Quezon City.
Sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial court Branch 28 Judge Nina Antonio-Valenzuela, pinasok ng NBI dakong ala-1:50 kamakalawa ng hapon ang Izial Chemiehausen Corporation na nasa #48 Magsaysay Avenue, Doña Faustina Subdivision, San Bartolome Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Special Investigator III Isagani Illecas ng NBI-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD), nakuha sa lugar ang mga lalagyan ng mga cosmetic products kung saan nakalagay ang pekeng markang “Golden Fabulouz” trademark at logo na pagmamay-ari ng Span Promotions and Marketing Incorporated.
Sinabi ni Illecas na ang kanilang raid ay bunsod na rin ng ginawang reklamo ni Eduardo Ortiz, na kumatawan sa Golden Fabulouz International Corp., matapos ang pagkalat ng mga pinekeng produkto sa bansa.
Dahil sa reklamo, agad na nagsagawa ng surveillance at test buy ang mga operatiba ng NBI at nakumpirma na peke ang mga naturang produkto.
Sasampahan naman ng paglabag sa Section 155 in relation to Section 170 (trademark infringement) at Section 168 in relation to Section 170 (unfair competition) of RA 8293 ang may-ari ng nasabing establisimento. (Doris Franche)
- Latest
- Trending