1 PATAY, 2 SUGATAN: Tricycle pisak sa poste
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang binatang pasahero ng tricycle habang malubhang nasugatan ang driver nito nang mabagsakan ang naturang sasakyan ng konkretong poste ng Meralco kahapon sa Quezon City.
Nasawi noon din ang biktimang si Kevin Lim, 19, ng Torres Subd., Banlat Road, Brgy. Tandang Sora, Quezon City matapos mabagsakan ng malaking poste ng Meralco na mahigit isang tonelada ang bigat ang sinasakyang tricycle.
Patuloy namang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang driver ng Kawasaki tricycle (VH-4482) na si Adonis Reyes, 25, ng Pearl St., Banlat Road sa naturang barangay. Si Reyes at isa pa na nakilalang si Mike Cunanan ay kapwa nasugatan sa naturang aksidente. Si Cunanan ay nadamay sa aksidente nang ang minamanehong tricycle ay mapadaan sa naturang lugar.
Arestado naman si Lito Camato, driver ng dump truck (RSD-754) na sinasabing pinagmulan ng trahedya makaraang sumabit ang sasakyan nito sa kable ng kuryente na humila sa nasabing poste at bumagsak sa tricycle ng mga biktima.
Base sa report ng Traffic Sector 6, dakong ala-1 ng hapon nang maganap ang insidente sa Banlat Road habang nakasakay sa nasabing tricycle si Lim na minamaneho ni Reyes nang bigla na lamang gumilid ang sinusundan nilang dump truck at sumabit sa malalaking kable ng poste ng Meralco.
Matapos mapuwersa ng dump truck ang mga kable sa poste ay tuluyang nabuwal ito at nabagsakan ang tricycle ng mga biktima.
- Latest
- Trending