Sangkap ng bomba, nakuha sa LRT
MANILA, Philippines - Naantala ang operasyon ng Light Railway Transit (LRT) 1 bunga ng natagpuang sangkap ng pampasabog sa hagdanan ng Vito Cruz-LRT Station sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Sa ulat ni C/Insp. Oliver Navales, hepe ng Manila Police District-Explosive and Ordnance Division (EOD), dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ang ammonium nitrate sa hagdanan ng north-bound station, malapit sa harapan ng St. Benilde College, sa Taft Ave., Malate, Maynila.
Itinawag umano sa pulisya ng isang Susan Gonzaga, lady guard ng St. Benilde College ang nakita niyang plastic na nakasilid pa sa isang ice box na pinagdudahang bomba.
Natukoy ng rumespondeng tauhan ng EOD na isang Urea o carbamide na may chemical formula (NH2)2CO, na sangkap sa paggawa ng pampasabog ang laman ng plastic. Ito ay tumitimbang ng 1/4 kilo.
Sinabi ng EOD na wala namang kakayahang sumabog ng nasabing sangkap kung ito lang at ’di hahaluan ng iba pang kemikal.
Naudlot ang biyahe ng tren at hindi rin nagpalabas at nagpapasok sa nasabing LRT station.
- Latest
- Trending