8 miyembro ng carnap group, nalambat
MANILA, Philippines - Walong notoryus na karnaper na kinabibilangan ng kanilang dalawang lider ang nalambat sa isinagawang magkakasunod na operasyon ng Manila Police District-Anti-Carnapping and Anti-Hijacking (MPD-ANCAH), sa Maynila at Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Rolly Bartolo, 40, na unang nadakip at siyang kumanta sa hide-out ng mga kasamahang naaresto rin na sina Edmundo Bonifacio Millares, 26, sinasabing lider ng ‘Bonifacio group’; Nathaniel Rivera, 45; Rodel Overos, 22; Armando Vergara, 52; Christopher Ducot, 26; Jomel Salvatierra, 28, ang lider naman ng ‘Salvatierra group’; at Roel Overos, 29.
Ayon sa ulat, ang dalawang nabuwag na grupo ay sinasabing responsable sa nagaganap na carjacking at carnapping sa bahagi ng Quezon City at eastern parts ng Metro Manila.
“Itong grupo ay ang pinagsamang Bonifacio group at Salvatierra group. Bale naghihiraman sila ng mga miyembro kapag may isasagawang operasyon. Notorious sila at ang target ay mga sports utility vehicle at ibang high-end na mga kotse,” dagdag pa ni Maluyo.
Nabatid na unang naaresto si Bartolo sa Sta. Mesa, Maynila noong Martes ng hapon at ikinanta nito ang mga kasamahan na nagresulta sa pagkakadakip sa iba pa dakong alas-10 ng gabi, nitong Martes sa La Mesa St., Ugong sa Valenzuela .
Narekober ng mga awtoridad ang kalibre .45 at kalibre .22 “Walter” pistola mula kina Bonifacio at Salvatierra.
Bukod dito, nasamsam din ang mga chop-chop na bahagi ng isang Hyundai car (ZKS-928); isang itim na Mitsubishi Montero Sport Ve hicle (NZI-624); at pulang “Honda” Enduro Motorcycle (OJ-7851).
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law laban sa walong suspek.
- Latest
- Trending