Pahinante hulog sa truck, todas
MANILA, Philippines - Dahil sa biglaang pagpreno ng driver ng isang 6-wheeler truck, nahulog mula sa truck ang 16-anyos na pahinante at dumausdos din ang mga kargamento na dumagan dito at naging dahilan ng kanyang kamatayan sa Intramuros, Maynila, sa ulat kahapon.
Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimamg si Mark Adrian Paccurza,ng Dagot St., Brgy. Manresa, Quezon City.
Inaresto naman ang driver ng truck ( ZGH 389) na si Edgardo Batucan, 46, may delivery mula sa Felport International Marketing at residente ng Sitio Kabatuhan, Valenzuela City.
Ayon sa report, dakong alas-4 ng hapon ng maganap ang insidente sa P. Burgos St., Intramuros, Maynila.
Nabatid na apat na pahinante ang sakay ng nasabing truck kabilang ang biktima na patungo umano sa Quiapo upang ideliber ang mga kahon na naglalaman ng mga produkto mula sa Felport International Marketing nang biglang nagpreno ang driver.
Nahulog ang biktima kasunod naman ng pagkakalagot ng mga tali ng kargamento na dumausdos at dumagan sa katawan ng biktima.
Ang bystanders na ang nagsabi sa driver na huminto dahil hindi umano nito alam ang nagaganap sa likuran ng kanyang truck.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isasampang kaso laban sa driver ng truck. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending