P5.50 rollback sa LPG, umariba
MANILA, Philippines - Muling nagtapyas ng P.50 sentimo kada kilo sa presyo ng kanilang produkto ang Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) na epektibo kahapon ng alas-12:00 ng madaling-araw.
Ayon kay Arnel Ty, pangulo ng LPGMA, ito na ang ikalawang beses na rollback na kanilang ipinatupad sa presyo ng cooking gas sa loob ng mahigit isang linggo matapos bumagsak ang contract price sa pandaigdigang pamilihan.
Katumbas ito ng P5.50 pagbabawas sa bawat isang tangke ng LPG na tumitimbang ng 11-kilo.
Dahil sa magkasunod na rollback sa presyo na ipinatupad ng LPGMA, umaabot na lamang sa P586 hanggang P600 ang presyo kada tangke ng cooking gas na ibinebenta ng mga miyembro ng LPGMA.
Malayo ito sa P630 hanggang P650 kada tangke na ibinebenta ng mga dambuhalang kompanya ng langis na hindi pa rin nagpapatupad ng pagtatapyas ng kanilang produkto. Kabilang sa mga miyembro ng LPGMA na nagbawas sa presyo ng produkto ang Republic Gas, Pinnacle Gas, Cat Gas, Omni Gas, Nation at Island Gas. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending