Female urinals binuksan na ng MMDA
MANILA, Philippines - Inumpisahan nang ipa gamit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tatlong female urinals na inisyal na itinayo ng ahensya sa tatlong lugar sa EDSA kahapon.
Sinabi ni MMDA Chairman Oscar Inocentes na inaasahan niyang malaking tulong sa kababaihang mananakay ang naturang mga urinals.
“We designed and built these facilities for exclusive use of women. We’re just hoping that they will try to use these so we would know what further improvements we need to make for their comfort and convenience,” ani Inocentes.
Itinayo ng MMDA ang tatlong inisyal na female urinals sa ilalim ng EDSA-Ortigas flyover, isa malapit sa MRT-Quezon Avenue Station at isa malapit sa Quezon Avenue provincial bus terminal.
May sukat ang mga urinals ng 3’’x5’’, may sariling lababo at gripo, at nasa loob ang lock para sa “privacy” ng mga gumagamit. Kinulayan din ng ahensya ng apple green ang mga urinals na bahagi ng programa nilang gawing “Metro Green” ang Metro Manila.
Tiniyak rin ni Inocentes na magiging malinis ang mga urinals dahil sa nagtalaga sila ng mga tauhan na siyang regular na lilinis dito sa loob ng 24 oras.
Kukunan rin naman ng MMDA ng komento at suhestiyon ang kababaihan na gagamit ng mga urinals upang isama sa kanilang diskusyon para sa pagtatayo ng mga karagdagang urinals sa iba pang panig ng Metro Manila. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending