P16 milyon pekeng Crocs products nasamsam ng NBI
MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pekeng produktong Crocs na nagkakahalaga ng P16 milyon sa isinagawang raid sa Maynila, San Juan at Mandaluyong City.
Ang raid ay isinagawa base sa reklamo ni Atty. Raymond Roland Rojas ng Reyes Cabrera Rojas & Associates na siyang nag-represent sa Crocs Inc.
Kabilang sa mga ni-raid ang Jet Footwear na matatagpuan sa Juan Luna st. Binondo, Maynila na umano’y pag-aari ni Felimon Chong at Cita Evardone, Tokyo Hanna General Merchandise at iba pang stalls na matatagpuan sa Greenhills Shopping Center sa Greenhills, San Juan at St. Francis Square mall sa Mandaluyong City.
Base sa ulat na nakarating kay Atty. Dante Bonoan, chief ng NBI Intellectual Property Rights Division (IPRD), umaabot sa 6,369 piraso ng mga assorted na tsinelas at iba pang produkto ng Crocs ang kanilang nakumpiska na nagkakahalaga ng P15,922.500.
Ang pagsalakay ay base sa bisa ng search warrants na inisyu ni Judge Antonio Eugenio Jr. ng Manila Regional Trial Court (RTC). Nahaharap naman sa kasong paglabag sa intellectual property rights ang mga may-ari ng nasabing establisimento. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending