3 grupo tukoy sa planong pagpapatakas kay Andal Jr.
MANILA, Philippines - Tatlong grupong kinabibilangan umano ng ilang dating mga miyembro ng Philippine National Police, Moro Islamic Liberation Front at iba pang supporter ng pamilya Ampatuan ang nasa likod ng planong pagpapatakas kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na kasalukuyang nakapiit sa NBI detention cell sa Maynila.
Ito ang nabatid sa intelligence report na natanggap ng NBI batay sa pahayag kahapon ng tagapagsalita na si Atty. Ricardo Diaz.
Patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang nasabing mga grupo na sinasabing naghahasik ng pananakot kabilang ang bomb threat noong Biyernes na nagtangkang pasasabugin ang gusali ng NBI at Supreme Court at ang bomb scare sa mall ng Greenhills, San Juan City noong Enero 24.
Inaalam din nila ang pagkakasangkot sa nasabing plot ng ilang militar.
Pansamantalang hindi idinetalye ang pagkilanlan ng kanilang mga subject sa imbestigasyon.
Nilinaw ni Diaz na ang mga ulat na kanilang natatanggap ay ukol umano sa pagsasanib ng mga pwersa ng tatlong grupo dahil sa magkakaanak ang karamihan sa kanila.
Si Ampatuan ang pangunahing akusado sa pagpaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending