Cameraman sugatan sa bundol ng taxi
MANILA, Philippines - Isang cameraman ng RPN-9 television ang malubhang nasugatan nang mabundol ng isang taxi habang nagko-cover sa isang vehicular incident sa may Mindanao Avenue, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang biktima na si Antonio “Tony” Ginturo, 45, may-asawa, tauhan ng RPN-9 at kasalukuyang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center matapos mapinsala ang ulo at katawan nito.
Ayon kay PO3 Andy Sotto ng Traffic sector 6 ng Quezon City Police, alas-11 ng umaga ay inilagay na sa inquest proceedings ang taxi driver na si Roel Labarete, 46, may-asawa, ng Concepcion Uno, Marikina City sa kasong reckless imprudence resulting to serious physical injury at damage to property.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may overpass ng Mindanao Avenue pasado alas-3 ng madaling-araw.
Nauna rito, isang dumptruck (JRB-500) ang humambalang sa nasabing kalsada dahil sa pag-angat ng loader nito sanhi upang kumalso sa may nasabing overpass.
Dahil nakatirik ang dump truck at nagdulot ng trapik, rumisponde si Ginturo para kunan ng shots ang naturang insidente.
Habang komokober ang biktima sa insidente, sumulpot naman ang Dollar taxi ((TXL-413) na minamaneho ni Labarete at mabundol nito ang una. Ayon kay Labarete, hindi niya napuna ang biktima dahil nakatingin siya sa nakaangat sa ere na drump truck habang minamaneho niya ang kanyang sasakyan. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending