MANILA, Philippines - Nasaksihan ng isang 4-anyos na paslit ang pagbulagta ng kanyang ama nang barilin ng notoryus na kapitbahay habang nagpapahangin sa hagdanan ng kanilang bahay sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Hindi na naisalba sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Philip Barrientos, ng Ipil St., Interior 16, Kahilum 1, Pandacan, Maynila sanhi ng dalawang tama ng bala sa dibdib.
Tinutugis naman ang suspek na si Amado Sta. Maria Jr., alyas “Eagle”, 27, miyembro ng Bahala na Gang at kapitbahay ng biktima na tumakas matapos ang insidente.
Bukod sa suspek, tinutugis din ang ama nitong si Amado Sta. Maria Sr. na hinihinalang nagtago ng baril na ginamit sa krimen.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Villanueva compound, sa hagdanan patungo sa 2nd floor sa bahay ng biktima.
Nagpapahangin lamang ang biktima habang nakaupo sa hagdanan at katabi ang 4-anyos na anak na lalaki nang lapitan at walang sabi-sabing barilin sa dibdib ng kapitbahay.
Kahit umano may tama na ay nagawa pang ikober ng biktima ang kaniyang katawan upang hindi mabaril ang paslit na anak at tiyempong dumating naman si Amado Sr. na sumunggab sa baril ng anak na suspek bago niyayang umalis na.
Inaalam pa kung ano ang ugat ng pagpatay. (Ludy Bermudo)