LTO office sinugod ng transport groups
MANILA, Philippines - Sinugod ng iba’t ibang transport groups at pribadong sektor ang Land Transportation Office sa East Avenue, Quezon City kahapon.
Pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Proton, Bangon Transport, Anakpawis, Bayan Muna Private Motorists Againts RFID ang kilos-protesta para maibalik ang kanilang naibayad sa Radio Frequency Identification Device (RFID) fee sa LTO.
Ikinatuwiran ng nasabing mga grupo na dapat ibalik ang P350 RFID fee mula sa may-ari ng 90,000 mga sasakyan na nakapagrehistro mula Enero 4-11 ng taong ito base na rin sa ipinalabas na kautusan ng Korte Suprema.
Anila, nangangamba ang mga driver at motorista na posibleng nagastos o naibulsa na ng LTO at Stradcom ang mahigit P30 milyon na nasingil nito kaya hindi maipatupad ang refund kaya naman sasampahan nila ang mga ito ng kaso sa oras na hindi maibalik ang nasabing RFID fee.
Iginiit naman ni LTO Chief Arturo Lomibao na handa silang isagawa ang refund sa oras na ito ay ipag-utos sa kanila ng Korte Suprema. (Butch Quejada / Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending