Contractors sa Edsa, kinastigo ng MMDA
MANILA, Philippines - Nagbanta kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Oscar Inocentes na ipaaaresto niya at sasampahan ng kaso ang mga tauhan ng mga kontraktor na magsasagawa ng trabaho at lilikha ng pagbubuhol ng trapiko sa EDSA.
Isinagawa ni Inocentes ang pagbabanta makaraang putaktihin ng reklamo at sisihin ng publiko ang MMDA sa naranasang matinding pagsisikip ng trapiko mula nitong Sabado hanggang Lunes sa EDSA.
Sinabi nito na kanila ring kukumpiskahin ang mga kagamitan sa konstruksyon na babara sa kalsada lalo na kung “rush hours”. Nanawagan ito sa mga kontraktor na sumunod sa kanilang mga pamantayan at makipagkoordinasyon nang maayos sa MMDA bago magsagawa ng kanilang trabaho.
Nabatid na nakipagpulong si Inocentes sa mga kinatawan ng mga pribadong kontraktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga telecommunications company kung saan sinabon niya ang mga ito.
Ipinunto ni Inocentes, dating trial judge, sa DPWH contractors na hindi sila nagsumite ng “notice” sa MMDA bago harangan ang ilang bahagi ng EDSA.
Iginiit din nito sa mga district engineer at kontraktor ng DPWH na ilipat ng petsa sa bakasyon ang kanilang mga paghuhukay at paglalagay ng harang sa EDSA. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending