2 German national, ipinatapon ng BI
MANILA, Philippines - Ipinatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng German national na wanted sa kanilang bansa dahil sa iba’t ibang kasong kriminal.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan ni deportation unit head Antonio Rivera, kinilala nito ang mga dayuhan na sina Peter Uwe Muller, 45; at Joachim Heimrath, 58.
Ang dalawa ay pinatapon sakay ng Royal Dutch Airlines na magdadala sa kanila patungong Amsterdam, Holland bago ibalik sa Frankfurt, Germany.
Ikinagalak naman ni Libanan ang pagpapatalsik sa dalawang pugante at iginiit na hindi taguan ng mga kriminal ang Pilipinas kayat nagbabala ito sa iba pang wanted na dayuhan na hindi sila ligtas na magtago kapag dito sila sa bansa naglungga.
Ang pagkakaaresto kay Mueller at Heimrath ay base sa kahilingan ng German embassy sa Manila na siyang nagbigay ng impormasyon sa criminal record ng dalawa sa BI. Si Mueller ay may kasong multiple counts ng pandaraya sa pamamagitan ng internet traiding sa korte sa Frankfurt, habang si Heimrath ay wanted naman sa hindi pa mabatid na krimeng ginawa nito 20 taon na ang nakakaraan.
Ang dalawa ay maitu turing ding undocumented aliens matapos na kanselahin ng German government ang kanilang mga pasaporte. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending



















