7 oras na trapik sa C-5 at Edsa
MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit pitong oras na trapik ang pumerwisyo sa libu-libong mga motorista at pasahero sa C-5 Road at EDSA dahil sa dalawang magkasunod na aksidente kahapon ng umaga.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nag-umpisang bumigat ang daloy ng trapiko sa C5 Road nang isang trailer truck na may lamang scrap na bakal ang tumaob sa Bagong Ilog Service Road sa Pasig City na nagresulta sa oil spill at masarhan ang dalawang lanes dakong alas-5:15 ng umaga. Nagawa lamang malinis ang naturang lugar ng mga tauhan ng MMDA dakong alas-10 ng umaga.
Dakong alas-10:17 naman ng umaga nang dalawang kotse, isang closed van at isang trak ang magkasagian sa southbound lane ng C-5 Libis flyover na natanggal lamang sa kalsada dakong alas-11:20 na ng tanghali.
Dahil sa naturang mga aksidente, lubhang nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa lugar na nakaapekto na rin sa EDSA nang doon na dumaan ang mga motorista na patungo sana ng Kalayaan at Katipunan Avenue.
Nabatid naman na may dalawang araw nang mabigat ang trapiko sa EDSA lalo na sa northbound lane dahil sa binarahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang porsyon nito dahil sa repair sa kalsada nitong Biyernes ng gabi. Nagawa namang tanggalin ng MMDA ang mga barriers matapos ang pagkumpuni dakong alas-2:45 ng madaling- araw kahapon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending
















