Pagbabantay kay Ampatuan, itinodo
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Justice Secretary Agnes Devanadera ang paglalagay sa “extra ordinary alert level” ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na madiskubre ang posibleng pagtakas kay Maguindanao massacre suspect Andal Ampatuan Jr.
Ayon sa Kalihim, ang kanyang kautusan ay hindi lamang base sa natanggap niyang impormasyon kundi maging sa mga impormasyon din mula sa mga hotels na nakapaligid sa NBI headquarters sa Taft Avenue, Maynila.
Hindi naman ipinaliwanag ni Devanadera kung ang nakuhang impormasyon mula sa mga hotel ay may indikasyon na dito nanunuluyan ang mga kaalyado ni Ampatuan at naghahanda na lamang ng pagsalakay sa NBI upang itakas ang suspek.
Siniguro naman nito na patuloy nilang ipapatupad ang mahigpit na seguridad kay Ampatuan at ililipat na nila ang iba pang suspek sa massacre. Posible umanong sa Fort Santo Domingo sa Laguna dalhin ang mga ito.
Nakatakda na ring iluwas dito sa Metro Manila ang iba pang miyembro ng pamilya Ampatuan matapos na aprubahan ang paglilipat ng kasong rebelyon dito.
Samantala, sinabi naman ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na nagtalaga na siya ng karagdagang police personnel sa pa ligid ng NBI matapos na pumutok ang balitang tangkang pagtatakas kay Ampatuan.
Matatandaan na nadiskubre ang planong pagpapatakas kay Ampatuan matapos na marekober ang isang mapa na may kasamang rifle grenade na walang triggering device sa Greenhills Shopping Center sa San Juan noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Atty Ricardo Diaz ng NBI, may markang X ang NBI at Supreme Court at may mga numerong 1-31-10 na posibleng pag- atake ngayong araw na ito (Enero 31).
Posible rin naman na taktika lamang umano ito upang matakot ang NBI at ilipat si Ampatuan sa ibang pasilidad.
Matatandaan na ikinulong si Ampatuan sa NBI ilang araw matapos ang massacre noong Nobyembre 23, 2009. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending