MANILA, Philippines - Pinag-aaralan ng National Bureu of Investigation (NBI) kung hihilingin sa korte ang hold order laban kay Marlene Aguilar dahil sa posibilidad na makalabas ito ng bansa.
Si Aguilar, ina ng murder suspect na si Jason Ivler, ay nahaharap sa kasong obstruction of justice at panibagong kasong accomplice sa complex crime of direct assault with frustrated murder and complex crime of direct assault with attempted murder.
Kaugnay ito sa pagkakasugat ng 2 NBI agents noong Enero 18 matapos na manlaban si Ivler sa mga ahente ng NBI na nag-operate sa kanilang bahay sa Blue Ridge Subdivision sa Quezon City.
Si Aguilar ay inakusahang nakipagsabwatan dahil sa paggamit ng earpiece gadget upang ipaalam sa anak ang mga nagaganap sa isinagawang raid.
Kahit hindi pa umano naikokonsidera na ‘flight risk’ si Aguilar, naniniwala si NBI Special Action Unit, Head Agent Angelito Magno na may kakayahan itong makapaglabas-masok sa bansa.
“Sa linggong ito natin malalaman ang resulta ng pag-aaral na gagawin ng ating mga agents kung may basehan nga kami para humingi ng hold departure order laban kay Aguilar,” ani Magno.
Kaugnay nito, sa linggong ito rin malalaman ang resulta ng imbestigasyon nila hinggil sa kung dapat na kasuhan din ang mister ni Aguilar na si Stephen Pollard, economist at consultant ng Asian Development Bank.
“Hinihintay lang natin na ma-finalize ng mga agents natin yung mga nakalap nilang impormasyon. Sa linggong ito natin malalaman yung resulta nung imbestigasyon natin kung may kinalaman ba si Pollard sa kaso,” ani Magno.