8 tauhan ng MMDA tiklo, sa pagbebenta ng scrap metals
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang walo nilang tauhan makaraang madiskubre na sangkot sa pagnanakaw at iligal na pagbebenta ng mga “scrap metal”.
Bukod sa kasong qualified theft, sasampahan din ng kasong administratibo ang mga suspek na sina Muralla Nabua, Jr., 34; Michael Zuniga, 29; Alvin Espiritu, 37; Henry Montano, 49; Reynaldo Reonico, 45; Rodel Martinez, 30; Manuel dela Cruz, 27; at Ranilo Olinganga, 42.
Tatlo pa namang tauhan din ng Construction Equipment Management Office (CEMO) ang patuloy na nakatakas at pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad. Nakilala ang mga ito na sina Ricky Adanza, Bryan Podador at Ronelio Bondoc.
Sinabi ni Supt. Elie Pintang, hepe ng MMDA-Security Intelligence and Investigation Division (SIID), nahuli sa akto ang mga suspek na ibinibenta ang mga nilagareng bakal buhat sa isang lumang overpass sa may Tandang Sora-Commonwealth Avenue, Quezon City na trabaho nilang gibain.
Nasakote ang mga suspek makaraang isang grupo ng MMDA-Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ang naispatan ng kanilang service vehicle sa tapat ng isang junkshop nitong alas-4:30 ng Miyerkules ng hapon.
Agad namang ininspeksyon ng grupo ang loob ng junkshop kung saan nagkanya-kanyang pulasan ang mga suspek. Hinabol pa rin naman ng mga tauhan ng MMDA ang mga suspek kung saan naaresto ang walo sa mga ito.
Kinumpirma naman ng pamunuan ng junkshop na matagal nang nagbebenta sa kanila ng bakal ang mga suspek. Umabot umano sa P1,000 ang naibayad nila sa idiniliber na bakal ng mga suspek noong Miyerkules ng hapon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending