MANILA, Philippines - Hindi pa man opisyal na nagagampanan ang sinumpaang-tungkulin, sibak na agad sa pagiging pulis ang limang bagong graduate na alagad ng batas makaraang ipag-utos ni National Capital Region Police Office (NCR PO) chief, Director Roberto Rosales.
Bukod dito, inilarawan pa ni Rosales ang mga pulis na nakakahiya sa kanilang hanay dahil sa ginawang walang habas na pagpapaputok ng baril kahit na batid ang ipinapatupad na “gun ban” sa bayan ng Pateros.
Nakilala ang mga pulis na sina PO1s Rollie Cain, Albert Gener, Ardie Vergara, Salvador Alfelor at Celso Rey, pawang mga nakatalaga sa Regional Mobile Group ng NCRPO.
Base sa record, pumasok sa serbisyo ang mga ito noong 2008 at katatapos pa lamang ng kanilang “Basic Recruit Course and Field Training Program”. Nakatakda rin sana ang mga ito na ilabas na para gampanan ang kanilang tungkulin.
Bukod sa “summary dismissal proceedings”, sinampahan na rin ng kasong kriminal na paglabag sa Comelec Gun Ban, illegal discharge of firearm at alarm and scandal ang naturang mga suspek.
Ayon sa ulat ng Pateros police, nag-iinuman ang mga suspek sa loob ng bahay ni PO1 Gener sa Brgy. Sto. Rosario-Silangan nitong Enero 27 nang isa sa mga ito ang nagpaputok ng baril.
Isang residente naman ang tumawag sa PNP Patrol 117 at isinumbong ang insidente. Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Pateros police na nagresulta sa pagkakadakip sa limang mga bagitong pulis kung saan nakumpiska kina Alfelor, Vergara at Cain ang tatlong kalibre .45 baril.
Nilinaw naman ng NCRPO na hindi pa naiisyuhan ng baril ang mga bagong graduate na pulis at nakatakdang imbestigahan ang mga ito kung legal ang mga baril na nakuha sa kanila. (Danilo Garcia)