Mayoralty bet, tiklo sa droga
MANILA, Philippines - Inaresto ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 28-anyos na lalaki na kandidato umano sa pagka-alkalde sa Mandaluyong matapos na masamsaman ng cocaine sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Supt. Wilkins Villanueva, hepe ng Metro Manila Regional Office ng PDEA, ang suspek na si Ernest Domingo Buan, umano’y kandidato sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod.
Ayon sa inisyal na ulat ng PDEA, nadakip si Buan sa isinagawang buy-bust operation sa harap ng isang foodchain na matatagpuan sa Tiendesitas, Pasig City ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Bago nito, matagal na umanong sinu-surveillance ng PDEA ang suspek, matapos na makatanggap ng report na sangkot umano ito sa pagbebenta ng drogang cocaine.
Nang makumpirma ang iligal na transaksyon ng suspek, agad na inihanda ang buy-bust operation kung saan isang PDEA agent ang nagpanggap na buyer.
Nagkasundo ang dalawa na magpalitan ng item sa nasabing lugar kung saan naganap ang pag-aresto.
Nasamsam sa suspek ang limang piraso ng plastic sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng cocaine.
Sinabi ni Villanueva, sakaling maging positibo sa laboratory test ang nasamsam sa suspek posibleng maharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 section 5 article 2 ng dangerous drug law at walang piyansang inilaan para dito. Nakapiit ngayon sa tanggapan ng PDEA si Buan habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
- Latest
- Trending