MANILA, Philippines - Nabulgar ngayon ang patuloy na operasyon ng mga sindikato ng ilegal na droga sa loob ng National Bilibid Prison makaraang makumpiska ang nasa 30 gramo ng shabu sa isang Tsinoy na nahatulang makulong dahil sa kaso sa droga.
Kinilala ni Bureau of Correction (BuCor) Director Oscar Calderon ang Tsinoy na si Peter Co, nakaditine sa maximum security compound ng NBP ng halos 10 taon.
Nabatid na nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si Calderon sa maximum security compound kung saan nadiskubre sa pamamagitan ng K-9 sniffing dogs ang may 30 gramo ng hinihinalang shabu sa Selda 2-D sa Building 8 kung saan nakaditine si Co kasama ang iba pang preso na sangkot sa ilegal na droga. Nabatid din na nabisto ang nagaganap na pot session sa mismong brigada ni Co.
Bukod kay Co, anim pang Tsinoy na hindi muna binanggit ang pangalan ang nakumpiskahan din ng may iba’t- ibang timbang ng hinihinalang shabu sa Building 5-A at Building 2.
Napag-alaman na umaabot sa 11,000 preso ang mga nakapiit sa maximum security compound kung saan 111 ay pawang mga Tsinoy, habang 182 naman ang mga banyaga na karamihan ay nahatulan sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Tiniyak naman ni Calderon na may mga ulong gugulong sa malawakang balasahan sa hanay ng mga jail guard sa maximum security compound dahil na rin sa kanilang kapabayaan o posibleng pagkunsinti sa mga bilanggo para makapagpatuloy sa ilegal na gawain.
Mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga jail guard na mapapa tunayang sangkot o nagbibigay ng proteksiyon sa mga nagpupuslit ng illegal na droga sa loob ng NBP. (Danilo Garcia)