MANILA, Philippines - Buo na ang P1 milyong gantimpalang natanggap ng informer na tumulong sa National Bureau of Investigation para madakip ang murder suspect na si Jason Aguilar Ivler.
Kahapon, tinanggap ng informer na hindi pinangalangan ang natitira pang P500,000 sa isang seremonya sa himpilan ng National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ang naturang informer ang nagsabi sa NBI na nagtatago si Ivler sa bahay ng ina nito na si Marlene Aguilar sa Quezon City.
Noong nakaraang linggo, ipinagkaloob ni Presidential Chief of Staff Undersecretary Renato Ebarle Sr. sa informer ang paunang P500,000 reward.
Ang anak ni Ebarle na si Renato Victor Ebarle Jr. ay sinasabing nabaril at napatay ni Ivler sa Boni Serrano Avenue, Quezon City noong Nobyembre 18.
Sa kaugnay na ulat, sinabi ni Marlene na muling inoperahan kahapon si Jason dahil bumuka ang sugat nito sa tiyan habang nakaratay sa Quirino Memorial Hospital.
Ayon kay Aguilar, na-expose umano ang bituka ni Jason matapos bumuka ang tahi sa kanyang sugat kung kaya kailangan itong muling operahan.
Nasugatan si Ivler nang makipagbarilan sa mga ahente ng NBI na umaresto sa kanya.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Agnes Devanadera na ipinauubaya na nila sa National Bureau of Investigation kung saan maikukulong si Ivler paglabas nito sa ospital dahil high-profile ang kaso nito.
Ayon naman kay Atty. Ric Diaz, tagapagsalita ng NBI, sa kanilang detention cell na lamang nila ikukulong si Ivler subalit hindi nila ito itatabi kay Maguindanao massacre suspect na si Andal Ampatuan Jr. at sa halip ay isasama lamang nila ito sa mga ordinaryong tao. (Danilo Garcia, Ricky Tulipat at Gemma Amargo-Garcia)