3 bebot tiklo sa abortion pill
MANILA, Philippines - Isang lola na nagbebenta ng pampalaglag na tabletang ‘cytotec’ at dalawa niyang babaeng kliyente ang nadakip ng pulisya sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng hapon.
Nakapiit sa Manila Police District-Station 3 ang mga naarestong sina Carmelita Buan, 66, biyuda, residente ng squatters’ area ng Rodriguez St., Pasay City; Sheila Bingco, 22, at kapatid nitong si Judelyn , 27, kapwa dalaga ng 2125 Tolentino St., Libertad, Pasay City.
Sa ulat ni Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 3, dakong alas-5:30 ng hapon nang arestuhin ang mga suspek sa 3rd floor, Manila City Plaza sa kanto ng Evangelista at Cabildo Sts. sa Sta. Cruz.
May nagbigay ng impormasyon sa presinto hinggil sa nasabing bentahan at agad namang rumesponde ang pulisya na nagkataong naaktuhan ang mga suspek sa aktong pagbili sa vendor ng cytotec o ‘Micropostal’.
Nakuha sa pag-iingat ni Buan ang P1,300 cash na bayad sa tableta at 12 pirasong cytotec naman ang nakuha sa magkapatid.
Kasong paglabag sa Section 11 ng RA 3720 na inamyendahan ng RA 9711 (Food, Drug Devices and Cosmetic Act) ang isinampa laban sa tatlo. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending