MANILA, Philippines - Marami sa mga mahihirap na kabataan ang nakakaranas ng malnutrisyon bunga na rin ng kawalan ng sapat na suplay ng pagkaing naibibigay ng kanilang mga magulang sa lungsod Quezon.
Ang kawalan ng maayos na trabaho ang pangunahing problema ng mga mahihirap na residente upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang mga anak sa pagkain na siya namang nagiging ugat para makaranas ng malnutrisyon ang maraming kabataan.
Kaya naman, bilang mamamayan sa lungsod, tututukan ni Vice Mayoralty candidate Joy Belmonte ang nasabing problema upang mapanatili ang maganda at maayos na pamumuhay ng itinuturing na maralitang pamilya sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, bagaman nakakatulong ang mga feeding program sa mga batang maralita para maibsan ang malnutrisyon, mas higit na kailangan ang mabigyan ng pagkakakitaan ang kanilang mga magulang para masuportahan ang pangangailangan nila sa pagkain.
Ang pagkain sa tatlong beses isang araw anya ang kailangan ng bawat pamilya kaya, kung mayroong sapat na kinikita ay katumbas na rin umano ito sa pagkakaroon ng magandang pamumuhay na higit kailangan ng bawat isa.
Sinabi pa niya na dati nang prioridad ng lokal na pamahalaan ang kalusugan ng bawat bata sa lungsod kaya naman nakikiisa siya sa pagpupursigi nito upang makitang ang mga bata ay masigla at maayos na nakakapaglaro ng walang anumang dinadalang problema sa kanilang kalusugan. (Ricky Tulipat)