MANILA, Philippines - Isang umano’y apo ni Land Transportation Office Chief Arturo Lomibao ang namatay nang paulanan ng bala ng isa sa dalawang armadong kalalakihan sa harap mismo ng kanyang mga barkada sa Barangay Kaunlaran, Project 4, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng tama ng bala sa katawan at binawian ng buhay sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si Joselito Lomibao Gubatan, 29, binata, construction worker ng # 7 3rd Planas St., Barangay Kaunlaran.
Bukod kay Gubatan, isang kaibigan nitong si Alberto Florentino, 29, ng nasabi ring lugar, ang sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang paa.
Nakilala ang mga salarin na sina Bong Rodriguez, 37, isa umanong engineer at isang alyas Ryan na mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may harap ng isang tahanan sa # 9 3rd St. pasado alas-2:00 ng madaling-araw.
Masayang nakikipagkuwentuhan si Gubatan, Florentino at iba pang kaibigan nang dumating ang mga suspek na armado ng baril.
Agad na nilapitan ni Rodriguez ang biktima saka pinagbabaril ito habang nagsilbing look out naman si Ryan.
Wala namang nagawa ang mga kaibigan ng biktima sa pangambang sila naman ang paputukan kung saan matapos ang pamamaril ay agad na nagsipagtakas ang mga suspek.