Salisi sa hotel binusisi
MANILA, Philippines - Humiling ng masusing imbestigasyon ang isang Turkish national na napagnakawan sa loob ng inuupahan niyang silid sa isang hotel sa Malate, Maynila.
Tinatayang P322,000 halaga ng kagamitan at cash ang natangay ng ’di pa kilalang suspek mula sa biktimang si Aljenaidi Mohammad Naif, 36, nanunuluyan sa isang hotel sa J.Bocobo St., Malate.
Kabilang sa nawawala ang US$2,300, Riyal 13,000 at apat na cellphone, batay sa reklamo ng dayuhan kay PO3 Mario Buntan ng Manila Police District-General Assignment Section.
Nauna rito, kahapon ng madaling-araw ay humiling ang dayuhan ng masahista sa receptionist at dumating umano ang isang Jacky Henaro na umalis din matapos ang isang oras.
Nang imbestigahan si Henaro, sinabi niya na umalis siyang gising pa ang biktima.
Nagtataka naman ang biktima dahil nakasarado naman ang pinto ng silid niya subalit hindi naka-lock kaya maaring pinasok siya habang tulog. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending