MANILA, Philippines - Isang 38-anyos na electrician ang inakusahan ng panggagahasa sa isang 18-anyos na dalagang isip-bata sa loob ng isang barracks sa Harbor Center, Tondo, Manila makaraang tumanggi siyang pakasalan ang biktima.
Kinilala sa ulat ng pulisya kahapon ang suspek na si Rolly Vargas, may asawa at empleyado sa Harbor Center. Naging textmate umano niya ang biktimang itinago sa alyas na Shiela.
Sinabi ng ina ni Shiela na si Aling Nena na noon pang Disyembre 18, 2009 naganap ang panggagahasa umano pero, dahil ayaw pakasalan o panagutan ng suspek ang kanyang anak, ninais na niyang makulong ito.
Sinabi ng ginang na nagkakilala sina Shiela at Vargas dahil magkatabi lamang ang pinapasukan ng suspek sa karinderya kung saan tindera ang anak.
Sa pamamagitan ng text mula sa suspek ay pinapunta umano ang biktima sa barracks malapit din sa bahay ng dalaga.
Nang hanapin ng ginang ang anak ay sinilip niya ang barracks na patay ang ilaw subalit nang may kumakalampag ay puwersahan niyang itinulak ang pintuan at doon naaktuhang nakapatong pa ang suspek sa anak.
Mabilis na lumabas ang suspek na nagsuot lamang ng pang-ibaba habang ang anak ay wala nang saplot sa pang-ibaba.
Sinabi naman ng suspek na may-asawa siya at hindi niya pakakasalan ang biktima.
Inamin ng biktima na meron nang nangyari sa kanila ng suspek pero pinabulaanan niya na kasintahan niya ito. (Gemma Garcia)