MANILA, Philippines - Isang 25-anyos na dalaga na umano’y may kapansanan sa pag-iisip at hinihinalang biktima ng gang rape ang natagpuang bangkay at may mga tama ng saksak sa dibdib sa isang madamong lugar sa Brgy. North Fairview, Quezon City.
Ayon sa ulat ng pulisya kahapon, may busal ng tuyong dahon ng saging ang bibig ng babae, nakalilis ang blusa, at nakasuot ng short pants ngunit punit ang panty nang matagpuan ang bangkay ng biktimang nakilalang si Marygrace Artuz ng 105-J2J, Zeveral Satore St., Barangay Poblacion I-B, Imus, Cavite.
Natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang liblib na lugar sa Bronzon St., Block 45, Lot 7, Fairmont Park Subdivision, North Fairview bandang tanghali.
Ayon kay Conciano Gojo, desk officer ng nasabing barangay, natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima sa pamamagitan ng kanyang mga kaanak na naninirahan sa may Baker St., sa nasabing lugar.
Ang biktima na umano’y may kapansanan sa pag-iisip ay sinasabing pinahirapan ng mga salarin dahil bukod sa dalawang tama ng saksak sa dibdib, sinakal pa ito gamit ang panaling straw.
Pinalalagay din ng pulisya na maaring ang paglagay ng busal sa bibig ng biktima ay upang hindi marinig ang sigaw nito habang inaabuso ng mga salarin.
Bukod dito, naniniwala din ang awtoridad na tatlo hanggang apat na kalalakihan ang gumawa ng karahasan sa biktima.
Ayon pa sa barangay, posibleng inabangan sa pag-uwi ang biktima ng mga salarin saka dinala sa nasabing lugar at doon sinimulan ang pang-aabuso at pagpatay dahil malayo ito sa kalsada at liblib pa.
Sa ulat, natagpuan ang biktima ng apat na kababaihang namumulot ng kahoy na panggatong sa nasabing lugar.