Ampatuan at Ivler magsasama sa kulungan
MANILA, Philippines - Kapwa may kasong murder sina Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at Jason Ivler, na posibleng pagsamahin sa National Bureau of Investigation (NBI) detention cell sa oras na makalabas na ang huli sa ospital.
“We only have one NBI jail. We don’t have any other detention facility. So definitely, he will be detained at the NBI jail after his discharge from the hospital,” ayon kay NBI Director Nestor Mantaring.
Handa naman ang NBI na tanggapin ang anumang reklamo hinggil sa mga alingasngas na hindi makatao ang ginawang pag-aresto kay Ivler.
Samantala, pormal namang ipinagkaloob kahapon sa impormante ang P500,000 na pabuya sa pagbibigay ng epektibong impormasyon kaya naaresto si Ivler.
Nagmula ang salapi kay Undersecretary Renato Victor Ebarle Sr., ang ama ng napatay ni Ivler dahil lamang sa away-trapiko noong Nob. 18.
Ani Mantaring si National Capital Region Police Office Director General Roberto Rosales ang magbibigay, sa Lunes, sa flag-raising ceremony ng P500,000 para sa kabuuang P1-milyon reward money.
Hindi pinagsalita o ipinakita sa media ang hitsura ng impormante na nakasuot ng itim na jacket at balot ng bonnet ang ulo at mukha. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending