Freddie Aguilar sinisi ang kapatid
MANILA, Philippines - Nagsalita na ang folk singer na si Freddie Aguilar at composer ng sikat na awiting “Anak” kaugnay sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang pamangkin na si Jason Ivler.
Kaugnay nito, sinisi nito ang kapatid na si Marlene Aguilar Pollard sa lalong kapahamakan na sinapit ng kanyang pamangkin.
Ayon sa singer, matagal na niyang pinayuhan at sinabihan ang kapatid na si Marlene na isuko na si Jason sa mga pulis matapos na masangkot sa shooting incident noong nakaraang taon.
Ayon kay Freddie, sinabihan niya si Marlene na huwag kunsintihin ang anak at sa halip ay isuko na ito sa mga awtoridad upang mas maiwasan ang anumang mga hindi inaasahang pangyayari.
Bagama’t hindi tuwirang inihayag ni Freddie kung may alam siya sa pagtatago ni Ivler sa kanilang bahay sa Blue Ridge sa Quezon City, sinabi nito na hindi naman siya nagkulang sa paalala kay Marlene sa mga posibleng mangyari.
“Kaya lang, hindi niya (Marlene) ako sinunod. Ngayon, ganyan ang nangyari,” anang folk singer.
Aminado si Freddie na hanggang ngayon umano ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nagawa ng pamangkin na krimen. (Doris Franche)
- Latest
- Trending