MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng isang ama sa mga awtoridad na higpitan at i-regulate ang K-9 operation at sanaying mabuti ang kanilang mga handler para na rin maprotektahan ang publiko.
Ito’y matapos na isa namang 8-anyos na batang babae ang inatake ng bomb sniffing Belgian Mallinois sa isang malapit sa NAIA 3 noong nakaraang linggo.
Nakatakdang magharap ng kaso laban sa hotel si Jose Andres Diaz, regional executive director ng DENR-NCR, ama ng biktima, laban sa hotel na sinasabing nagmamay-ari sa aso.
Sinabi ni Diaz na naunsiyami ang dapat sana’y masaya nilang outing ng pamilya dahil sa insidente.
Binanggit nito na bigla na lamang inatake ng K-9 dog ang kanyang anak na nagtamo ng laslas at sugat sa puwitan. Kung hindi umano niya naagapang matakpan ang kanyang anak sa susunod na atake ay malamang na nahagip na ito sa ulo at leeg.
Base rin sa video clips ng pag-atake ng aso sa kanyang anak na nakunan ng hotel security camera, ang handler ng aso ay masasabing kulang sa kasanayan.
Binanggit pa nito na nakitang nakikipagkuwentuhan ang handler sa isa pang security guard nang atakihin ng hawak nitong aso ang kanyang anak.
Agad na dinala ang bata sa Makati Medical Center na dito ito sumailalim sa medical at psychological treatment. Gayunman ngayon ay dinala uli nila ito sa St. Luke’s Medical Center dahil sa lagnat at pamamaga ng bahaging sinakmal. (Katherine Adraneda)