MANILA, Philippines - Nagpatupad ng kakarampot na rollback sa halaga ng kerosene at diesel ang mga kompanya ng langis kahapon ng umaga matapos ang magkakasunod na pagtataas.
Sa mensaheng ipinadala ni Petron Corporation spokesman Raffy Ledesma, nagbaba sila ng P.25 sentimos kada litro sa presyo ng diesel at P.75 sentimos kada litro naman sa kerosene. Ipinatupad ito ng kompanya dakong alas-6 kahapon ng umaga kung saan sinabayan rin sila ng Total.
Ganito ring halaga ang tinapyas dakong alas-12 ng hatinggabi ng Filipinas Shell, Chevron Philippines, Eastern Petroleum, Sea Oil at Phoenix.
Idinahilan ng mga kompanya ng langis ang pagbaba ng naturang mga produkto sa internasyunal na merkado.
Matatandaan na hindi hamak mas malaki ang itinaas ng mga kompanya ng langis nitong Enero 13 ng P1 kada litro ng gasolina habang nagtaas nitong Enero 5 ng P1.25 kada litro ng diesel at kerosene at P1 rin kada litro sa gasolina. (Danilo Garcia)