2 puganteng Syrian national, tiklo ng BI
MANILA, Philippines - Dalawang puganteng Syrian national na may kasong pagpatay sa kanilang bansa ang naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) na nakabase sa Central Luzon.
Sa ulat na nakarating kay BI Commissioner Marcelino Libanan ni Immigration Area Director for Central Luzon Heranio Manalo, kinilala nito ang mga puganteng sina Alaa Fares at Khaled Mahmoud Diab.
Ang dalawa ay naaresto sa kanilang inuupahang bahay sa Brgy. San Pedro, Sapang Palay, Bulacan at kasalukuyang nakapiit sa BI detention center sa Bicutan habang hinihintay ang kanilang deportation proceedings.
Ayon kay Manalo, hiniling niya kay Libanan na magpalabas ng mission order laban sa dalawa dahil na rin sa kahilingan ng Syrian consulate sa Maynila upang kaagad ma-deport sa Damascus.
Patuloy namang hinikayat ni Libanan ang publiko na kaagad ipagbigay alam sa malapit na immigration office ang presensiya ng mga illegal o undesirable alien sa kanilang lugar.
Base sa Syrian consulate officials, si Fares ay wanted sa Syria dahil sa kasong pagpatay at si Diab ang pangunahing testigo sa nasabing kaso. Ang dalawa ay pawang illegal aliens matapos na ikansela ng Syrian government ang kanilang mga pasaporte. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending