MANILA, Philippines - Labing-apat na elementary students ang itinakbo sa ospital matapos na umano’y makaramdam ng pagsusuka at pananakit ng tiyan matapos kumain ng powder milk na ibinibenta umano ng kanilang guro sa loob ng kanilang paaralan sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ang mga biktima na isinugod sa East Avenue Medical Center sa Quezon City ay pawang nasa edad 9 hanggang 11 anyos at grade 3 at grade 4 pupils ng Commonwealth Elementary School.
Ayon kay Dr. Visitacion Antonio, toxicologist ng ospital, hinihinalang na food poison ang mga bata dahil sa pinapak na gatas.
Ayon naman sa ulat, pasado alas-4 ng hapon ng isugod ang nasabing mga bata sa nasabing ospital matapos makaramdam ng pagsakit ng tiyan at pagsusuka. Ang nasabing gatas ay ibinibenta umano ng isang guro sa nasabing paaralan sa halagang P2.
Samantala, dahil sa stable na ang lagay ng mga bata, matapos na mabigyan ng paunang lunas, agad ding pinalabas ang mga ito ng doktor, ngunit nanatili ang pag-obseba na gagawin sa mga ito.
Ayon naman sa ospital, ang sample ng gatas na nakain ng mga bata ay nakatakdang ipasuri sa Food and Drugs Administration (FDA) para matukoy ang dahilan ng insidente. (Ricky Tulipat)