MANILA, Philippines - Higit pang pasisiglahin ni Liberal Party Vice Mayoral candidate Joy Belmonte ang parental program sa Quezon City upang mabigyan ng dagdag na kaalaman ang mga magulang kung paano higit na mapapangalagaan ang kanilang anak.
Ayon kay Joy Belmonte, ang hakbang ay gagawin sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng seminar sa mga barangay upang magkaroon sila ng self-enhancement at malaman ng mga magulang ang mga tamang paraan kung paano mapalaki nang maayos ang mga anak para maiiwas ang mga ito sa mga bisyo.
Sa pamamagitan anya ng naturang hakbang malalayo ang mga kabataan sa panganib at sa mga bisyo na kalimitang problema ng mga magulang laluna ang paggamit ng bawal na gamot ng ilang kabataan.
Bukod dito, magsasagawa din anya ang kanyang tanggapan ng day care level seminar sa mga rehabilitation centers sa lungsod upang malaman naman ng mga kabataang inaalagaan dito ang kahalagahan ng buhay at ang pag-iwas na sa bisyo.
Upang tuluyan anyang makaiwas sa bisyo paglabas ng center maglalaan din ang kanyang tanggapan ng libreng paaral sa ilalim ng Tesda upang sa pamamagitan nito ay makatulong sila sa kanilang pamilya at maayos ang kanilang buhay. (Angie dela Cruz)