Jason, ina, ida-drug test
MANILA, Philippines - Posibleng isalang sa drug test ang ina ni Jason Aguilar Ivler na si Marlene Aguilar matapos makumpiska ang hinihinalang marijuana sa loob ng tahanan nito noong Lunes sa pagsalakay at pagkakaaresto sa anak, sa Blue Ridge Subdivision sa Quezon City.
Sinabi ni Atty. Angelito Magno, hepe ng NBI-Special Action Unit (SAU), na hinihintay pa nila ang resulta ng confirmatory laboratory test ng nasamsam na marijuana dahil negatibo ito sa unang lab test.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nakapiit pa si Marlene sa NBI, na inaasahang makalalaya dahil nilalakad na umano ng kanyang abogado ang piyansa na P12,000.
Kamakalawa ng gabi nang tuluyang isailalim sa inquest proceedings si Marlene sa Quezon City Prosecutor’s Office sa kasong obstruction of justice dahil sa pagtatago nito sa tunay na kinaroroonan ng anak.
Nilinaw ng NBI na ang obstruction of justice o Presidential Decree 1829 lamang ang naisulong laban kay Marlene dahil ang kasong harboring of criminal na isang paglabag sa ilalim ng Revise Penal Code ay hindi na iniaplay dahil isang ina si Marlene, ng kriminal na itinago niya sa batas.
Nakasuot ng itim na pantalon at pang-itaas nang harapin ni Marlene ang media at nagpahayag habang umiiyak na, “I have not slept. I have not eaten. I am traumatized. My son is still fighting for his life. Whatever Jason did and if Jason dies, I would say this with all humility that I love him very much with all my heart and soul.”
Hindi naman isinabit ng NBI ang dalawang kasambahay (katulong) sa kasong obstruction of justice na kinilalang sina Requiel Faburada at Anthony Espolon.
Inihayag din ni Magno na si Ivler ay isinailalim na sa drug test habang naka-confine sa Quirino Memorial Medical Center kung saan inoobserbahan ang kondisyon nito matapos maisailalim sa 3 oras na surgical operation dahil sa tama sa bituka at lapay nang gantihan ng mga putok ng NBI agents.
Inihahanda na rin ang karagdagang kaso laban dito na resisting arrest at assault upon person in authority. Isasailalim na rin sa ballistic ang ginamit ni Ivler na M-16 rifle at kalibre.45 pistola na posibleng ginamit din umano sa pagbaril na ikinasawi ni Renato Victor Ebarle Jr. noong Nobyembre 18, 2009.
Kung lalabas umano na hindi lisensiyado ang mga narekober na baril kay Ivler, makakasuhan pa ito ng illegal possession of firearms.
Samantala, doble higpit ang ginagawang pagbabantay kay Ivler sa pagamutan. (Dagdag ulat nina Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending