Ex-police itinumba

MANILA, Philippines - Isang dating pulis ang nasawi matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sakay ng motorsiklo matapos ihatid ng una ang kanyang anak sa eskuwelahan sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si ex-P02 Elesio Pascual, 38 , dating nakatalaga sa Manila Police District at residente ng Deato Subd., Balangkas ng lungsod.

Sa report ng pulisya, alas-6:50 ng umaga, inihatid ng biktima ang kanyang anak na babae sa St. Jude Academy sa St., Jude St., Malinta ng lungsod.

Papaalis na ang biktima sa nasabing eskuwelahan sakay ng Yamaha Motorcycle nang sumulpot ang mga suspek lulan sa isang motorsiklong hindi na nakuha ang plaka kung saan isa sa mga ito ang bumaril sa biktima.

Pagbagsak ng biktima ay nilapitan pa ito ng gunman at muling pinagbabaril upang siguruhin na hindi na ito mabubuhay bago tumakas. Inaalam na ng mga pulis ang motibo ng na­sabing pamamaslang. (Lordeth Bonilla)

Show comments