MANILA, Philippines - Nilaslas ang leeg ng isang guwardya matapos itong pumalag mula sa isang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng agaw-armas gang matapos tangkaing agawin ng huli ang service firearm ng una kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Nasa kritikal na kondisyon at ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Paquito Alonzo, 55, guwardiya ng Solid Technical Services Inc., sa 6th Avenue, ng lungsod na ito. Base sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2 ng umaga habang naka-duty ang biktima sa nasabing kompanya nang sumulpot ang suspek at biglang agawin ang baril ni Alonzo.
Nanlaban ang biktima at nakipagbuno gayunman agad na inunday ng suspect ang hawak nitong patalim at nilaslas ang leeg ng una. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na pagamutan. (Lordeth Bonilla)