MANILA, Philippines - Tatanggap na ng karagdagang suweldo ang mga regular na kawani ng pamahalaang lungsod ng Quezon ngayong Enero.
Ito ay matapos iutos ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. na ihanda na ang pay adjustment notice para sa mga City Hall employee ngayong buwan.
Ang salary adjustment ng mga empleyado ng City Hall ay magsisimula ngayong Enero 1 na alinsunod sa Executive Order 811 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Hunyo 17, 2009.
Sa ilalim ng kautusan, ang salary rate ng local government personnel ay tutukuyin ng Sanggunian o City Council kung saan pagbabasehan ang pinansyal at kita ng pamahalaang lungsod. Ang salary rates ng mga LGU employees ay hindi dapat sosobra sa kabuuang personal services cost ng lokal na pamahalaan.
Ang pagbibigay ng unang bugso ng salary adjustment ng mga state workers sa QC Hall ay naisama na sa 2010 QC appropriation o city budget.
Sinabi ni Belmonte na ang karagdagang suweldo sa mga empleyado ng QC Hall ay makatutulong na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan lalo na ngayong panahon ng krisis.
Bukod sa pay adjustment, nakatakda ring tumanggap ang mga regular na kawani ng City Hall ng karagdagang benepisyo ngayong buwan, kabilang din ang mga nasa ilalim ng contract of services.
Ang insentibong ibibigay ngayong buwan ay katumbas ng 50% na basic salary ngayong Enero 1, 2010 ng isang empleyado ng City Hall. Samantalang ang productivity bonus at service reward ay hindi lalampas sa P2,000.