MANILA, Philippines - Dalawa sa limang kalalakihang maintainer ng drug den ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang pagsalakay sa lungga ng mga ito sa lungsod ng Manila kahapon ng hapon.
Ayon kay Metro Manila Regional Office Chief Supt. Carlos Gatapan, nakilala ang mga naarestong mga suspek na sina Rodolfo Carga at Jeff Bartolome, kapwa mga look out sa operation ng drug den na matatagpuan sa #1622 at # 1625 J. Marsan St., Sampaloc, Manila.
Sinasabing ang nasabing bahay ay bagsakan at gamitan ng droga ng mga drug pushers at users kung saan pangunahing target ng PDEA ay ang mga suspek na nakilalang sina Ruben Macaranas, Alex Carga, at Popoy Benedicto, mga maintainer ng nasabing drug den.
Ayon sa ulat, naganap ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Regional Trial Court-National Capital Division Branch 28 Manila sa pamumuno ni Judge Niña Antonio Velasquez.
Sinabi ni Gatapan, matagal na nilang minomonitor ang operasyon ng nasabing mga suspek hanggang sa mapatunayang malaki ang partisipasyon ng mga ito sa bentahan ng droga sa lungsod kung kaya agad silang humingi ng search warrant laban sa mga ito para sa gagawing pagsalakay.
Ganap na alas-2:30 ng hapon nang gawin ang pagsalakay sa nasabing lugar kung saan nadakip ang dalawa habang nagawa namang makatakas ang tatlong nabanggit na maintainer sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana patungo sa madilim na kalye dito.
Narekober sa lugar ang hindi pa mabatid na halaga ng droga at mga paraphernalia na ginagamit para sa paghithit ng nasabing droga.
Bukod pa rito ang ibang droga na ayon sa PDEA ay itinapon at ipina-flush sa inidoro para maitago ang ebidensya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtugis ng awtoridad sa nakatakas na mga suspek habang patuloy naman ang imbestigasyon sa halaga ng nasamsam na droga. (Ricky Tulipat)